Bilang isang veterinarian na nagpapatakbo ng veterinary hospital at isa ring tindero ng veterinary medicines at supplies, mahalagang maintindihan natin ang pagkakaiba ng Sales Invoice at Official Receipt.
Kasi kahit doktor ka, tindero ka, o pareho, iisa lang ang BIR na sinusunod natin.
SALES INVOICE = Patunay na may binentang produkto o serbisyong ibinigay.
OFFICIAL RECEIPT = Patunay na may perang natanggap o nakolekta.
Simple lang, di ba?
NOON, MAGKAIBA ANG SISTEMA
Kapag veterinarian ka at naningil ng professional fee, Official Receipt ang pangunahing ini-issue mo.
Kapag tindero ka naman at nagbenta ng gamot, pagkain, o veterinary supplies, Sales Invoice ang ini-issue mo.
Pero nagbago ito noong 2024 sa ilalim ng Ease of Paying Taxes (EOPT) Act.
Ngayon, Invoice na ang primary document para sa parehong produkto at serbisyo.
HALIMBAWA, VETERINARY HOSPITAL KO
May client na nagdala ng aso.
Consultation: ₱800
Blood Test: ₱1,200
Medicines: ₱500
Total: ₱2,500
Nagbayad ang client.
Ano ang ibibigay ko?
SALES INVOICE.
Hindi na kailangan ng hiwalay na Official Receipt kung nakadokumento na sa Invoice ang payment.
EH PAANO NAMAN KUNG TINDERO AKO?
Halimbawa, may veterinarian na bumili sa akin ng veterinary medicines worth ₱10,000.
Ano ang ibibigay ko?
SALES INVOICE DIN!
Kahit professional service o pagbebenta ng produkto, Invoice na ang pangunahing dokumento.
Paano kung credit ang transaction at sa susunod na buwan pa magbabayad?
Mag-i-issue pa rin ako ng Invoice para sa sale.
Kapag nakolekta ko na ang bayad, maaari akong magbigay ng Collection Receipt o Official Receipt bilang karagdagang proof of payment.
BAKIT MAHALAGA ITO SA NEGOSYO?
Dahil ang Invoice ang pangunahing dokumentong ginagamit sa pag-record ng sales.
Para sa VAT-registered businesses, ang tamang VAT Invoice ay mahalaga rin sa pag-claim ng input VAT ng qualified buyers.
Ang ordinaryong Official Receipt ay supplementary document na lamang at hindi sapat na kapalit ng VAT Invoice.
May exceptions para sa mga lumang Official Receipts na wastong na-convert bilang Invoices alinsunod sa BIR regulations.
ANG BOTTOM LINE
Veterinarian ka man, tindero, restaurant owner, o negosyante:
Sales Invoice = Evidence of a sale.
Official Receipt = Evidence of payment or collection.
At tandaan, ang isang properly issued Invoice ay maaari ring magsilbing patunay na nabayaran na ang transaction.
Kaya hindi na porke professional service ay Official Receipt, at hindi na porke produkto ay Sales Invoice.
Invoice na ang pangunahing dokumento para sa pareho.
Sa negosyo, hindi sapat na marunong kang kumita.
Dapat marunong ka ring magdokumento ng kinikita mo. Dahil sa BIR, hindi lang importante kung magkano ang kinita mo. Importante rin kung paano mo ito nire-record.
Legal Basis: Republic Act No. 11976 (Ease of Paying Taxes Act), BIR Revenue Regulations Nos. 7-2024 and 11-2024, and Revenue Memorandum Circular No. 77-2024.
BIR references: bir-cdn.bir.gov.ph
Dr. Geoff Carullo is a Fellow and the current President of the Philippine College of Canine Practitioners.
Sharing this helps others understand what it really means to be a vet. Like and follow if you’re with us.






























